“HIGH FUNCTIONALITY” o 95% ang gradong natanggap ng Antipolo City Anti-Drug Abuse Council (ACADAC) mula sa 2018 Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Audit ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, excellent performance rating ang nakuha ng naturang konseho dahil sa masusing pagsunod nito sa direktiba ng pamahalaang nasyunal at pagpapatupad ng mga komprehensibong programa laban sa illegal drugs.

“Ngayong taon, sunod-sunod ang pagkilalang natanggap ng pamahalaang lungsod dahil sa ating pagtutulungan. Nagpapasalamat po kami sa lahat ng kasapi ng ACADAC dahil ang pagkilalang ito ay resulta ng walang humpay na pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor gayundin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga programa ng konseho para tuluyan na nating mawakasan ang iligal na droga,” pahayag ni Mayor Andeng Ynares.

Kabilang sa parameters ng ADAC audit ang pagkakaroon ng Drug-Cleared Barangays, pagpapatupad ng mga innovative programs, at pagsuporta ng LGU sa mga component barangays pagdating sa laban kontra droga.

Sa kasalukuyan, nasa 13 barangay na sa Antipolo City idineklarang Drug-Cleared Barangays ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Humigit-kumulang 24,000 kabataan naman ang nabigyan ng Drug Abuse Preventive Education Seminars. Naging matagumpay din ang 1st Anti-Drug Poster Making Contest at Short Film Making Contest ng pamahalaang lungsod.

Kamakailan, nakuha rin ng Antipolo City mula sa DILG ang Seal of Good Local Governance (SGLG) kung saan kabilang sa mga sinuri ang anti-drug campaign ng lungsod. Naging matagumpay ang naturang kampanya dahil sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang national government agencies, faith-based organizations, at Non-Government Organizations (NGOs).