Humakot ng 3 naglalakihang awards ang lungsod ng Antipolo City nang masungkit nito kamakailan ang mga prestihiyosong parangal na Most Competitive Component City, Most Business-Friendly LGU at Seal of Good Local Governance ngayong 2019. Abot-tenga ang ngiti ni Mayor Andeng Ynares sa mga pagkilalang natanggap ng Antipolo City mula sa Department of Trade and Industry (DTI), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Maagang pamasko ito para sa aming mga taga-Antipolo. Lahat po ng pagsisikap namin ay nagbunga. Sinasabi po ng mga parangal na ito na patuloy po ang pag-unlad ng aming lungsod dahil sa pagtutulungan ng pamahalaang lokal at lahat po ng stakeholders para sa kapakanan ng ating mamamayan.” sabi ni Mayor Ynares.

Sa pangalawang pagkakataon, tinanggap ng Antipolo City sa 7th Regional Competitiveness Summit ng DTI ang 1st Place sa Overall Competitiveness sa Component City Category sa buong bansa gayundin ang 1st Place sa Government Efficiency, 1st Place sa Resilience, at 2nd Place sa Infrastructure. Una nang nahirang ang Antipolo City na Most Competitive City noong 2017.

Kinilala rin ng PCCI sa ika-45 Philippine Conference ang masigasig na pagsunod ng Antipolo LGU sa mga prinsipyo at adbokasiya ng mga batas sa “Ease of Doing Business” para makamtan nito ang Top Most Business-Friendly Component City. 

Iginawad naman ng DILG ang Seal of Local Governance sa Antipolo LGU dahil sa mahusay na pamamahala nito na nagbibigay ng mas magandang serbisyo sa publiko at nagtataas sa integridad ng lokal na pamahalaan.

“Sadyang mapalad po ang Antipolo City dahil sa 1, 518 LGUs sa buong bansa, tayo po ang nabigyan ng mga ganitong parangal na nagpapatunay sa patuloy na pag-angat ng kakayahan, kaunlaran at integridad ng isang LGU na makapagbigay ng tama at sapat na serbisyo sa mga mamamayan, “ sabi ni Mayor Ynares.