NAMAYAGPAG ang Antipolo City Government sa ginanap na 7th Regional Competitiveness Summit noong Oktubre 24, 2019 sa Philippine International Convention Center, Pasay City nang kilalanin at mapabilang muli ito sa listahan ng mga itinuturing na Most Competitive Cities sa Pilipinas. Nakuha ng Antipolo ang 1st Place sa Overall Competiveness sa Component City Category gayundin ang 1st Place sa Government Efficiency, 1st Place sa Resilience, at 2nd Place sa Infrastructure. Ito na ang pangalawang pagkakataon sa huling tatlong taon na nahirang ang Antipolo na Most Competitive City sa buong bansa. Samantala, tinanggap naman muli ng Rizal Provincial Gov’t sa ika-apat (2016, 2017, 2018, at 2019) na pagkakataon ang titulong “Most Competitive Province.” Noong nakaraang taon, kinilala ng National Competiveness Council ang Lalawigan ng Rizal bilang Hall of Fame Awardee.

Ayon kay Mayor Andeng Ynares, nakakatuwa at nakakataba ng puso ang sunod-sunod na parangal na nakuha ng Antipolo mula sa national government. Dagdag niya, ang mga pagkilalang ito ay patunay na tama ang ipinaglalabang pangarap ng pamahalaang lungsod para sa mga Antipolenyo. Nananatiling inspirasyon aniya ang kapakanan ng mga mamamayan sa bawat programa at proyektong ipinapatupad ng pamahalaang lokal na sinimulan ng kanyang asawa at dating City Mayor Jun Ynares

Pinasalamatan ni Mayor Ynares ang Diyos sa patuloy na paggabay sa lahat ng kawani at stakeholders para maging mapayapa, malinis, at maunlad ang lungsod. Malaki rin ang pasasalamat niya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa walang tigil na pagsuporta ng pamahalaang nasyunal sa Antipolo.

Kamakailan, pinarangalan rin ang Antipolo City bilang Most Business-Friendly City ni Pangulong Duterte at ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at 2019 Seal of Good Local Governance mula naman sa Department of the Interior and Local Government (DILG).