NAGWAGI ang Antipolo City Government sa 21st Regional Gawad Kalasag Award na ginanap noong Agosto 22, 2019 sa Santa Rosa City, Laguna. Tumanggap ng Plaque of Recognition ang Antipolo City Disaster Risk Reduction and Management Council (ACDRRMC) para sa best practices nito pagdating sa risk reduction at disaster resilience.

Ayon kay Mayor Andeng Ynares, sa panahon ngayon ay hindi natin natitiyak kung kailan tatama ang sakuna. Dagdag niya, ‘di lamang pangarap kundi misyon ng pamahalaang lungsod na masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan. Patuloy umano ang pagpapaigting ng lokal na pamahalaan sa mga programa nito upang ‘di lamang mas mapaunlad ang kakayahan ng mga kawani kundi pati na rin ang mga serbisyong pampubliko sa panahon ng kalamidad. Dagdag niya, ang naturang parangal ay naisakatuparan dahil sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya, departamento, at pribadong sektor para masigurong ligtas ang mga residente sa anumang sakuna.

Sa pangunguna ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), tampok sa best practices ng pamahalaang lokal ang paggawa ng Evacuation Center at Command Center. Kabilang din dito ang paggamit ng Abizo App. at Early Warning Device tulad ng rain gauges gayundin ang non-stop campaign laban sa mga iligal na imprastraktura sa mga disaster prone areas.

Higit pa sa risk reduction, bahagi rin ng award-winning practices ng ACDRRMC ang Prevention and Mitigation Programs   tulad ng tree planting activities at tuloy-tuloy na information drive at trainings sa mga komunidad.

Noong nakaraang taon, nakamit ng Antipolo City ang 3rd place sa annual Regional Gawad Kalasag Award.