Hindi nakaligatas sa mga awtoridad ang binatilyong snatcher matapos makorner ng mga peace and security enforcers ng Antipolo City.  Arestado ang isang 17 taong gulang na lalaki na residente ng Barangay Dalig.  Nakilala naman ang biktima na si Deryll Dwein Obispo, 21 taong gulang at residente ng Barangay San Jose. Agad na rumispunde sina OPSS enforcers Ma. Liza Suarto at Jayson Brenas nang himingi ng tulong ang isang saksi sa nangyayaring krimen.

“Kahanga-hanga po ang ipinakita ng ating mga kawani ng Office of Public Safety and Security dahil buong tapang po nilang ginampanan ang kanilang  tungkulin. Tunay po silang mga lingkod-bayan. At ipinagmamalaki ko rin po na ang isa pong OPSS na tumulong at humabol para mahuli ang suspek ay isa pong babae. Ang mga kadalasang mga kalalakihan lang ang gumagawa ay kaya na rin po gawin ng ating mga kababaihan,” sabi ni Antipolo City Mayor Andeng Ynares.

Ayon sa mga pulis, naglalakad si Obispo papunta sa terminal ng traysikel  nang biglang bumulaga sa harapan niya ang suspek at sapilitang kinuha ang kanyang cellphone at wallet na may nagkakahalagang P3,000.  Agad na hinabol ng dalawang OPSS ang suspek pagkatapos humingi ng saklolo ang isang bystander hanggang sa makorner ito na nagresulta sa pagkahuli sa suspek. Dinala ang suspek sa Rizal Provincial Hospital System Annex II upang sumailalim sa mediko legal bago ibigay sa kustodiya ng Antipolo-PNP kung saan sinampahan ang suspek ng kasong theft.

Pinuri naman ni Mayor Ynares ang kawani ng OPSS dahil sa mga sunod-sunod na panghuhuli nito sa mga snatchers sa lungsod. Tatlong binatilyong snatcher kamakailan ang arestado sa panghahablot ng cellphone.