Proud na proud ang lungsod ng Antipolo sa karangalang nakamit ng Antipolo Institute of Technology (AiTECH) Senior High School dahil out of 302 public at private school ay nakasama ito sa mga top performing schools sa buong CALABARZON sa naganap na National Achievement Test (NAT) ng Department of Education (DepEd). Ayon din sa listahan ng DepEd, lumalabas na top public Senior High School sa Rizal province ang AiTECH.

“Noong itinatag namin ang unang city college ng Antipolo City, tiwala po kaming makakapagproduce kami ng mga dekalidad na mga estudyante na kaya po naming ipagmalaki. Ito na nga po ang patunay. Sa lahat ng eskwelahan sa CALABARZON, isa po ang AiTECH na may pinakamaraming estudyanteng naipasa ang National Achievement Test. Ipinagmamalaki ko po ang mga kabataang Antipoleňo! Ipinagmamalaki po naming produkto po sila ng aming public school!” sabi ni Mayor Andeng Ynares.

Taong 2015 nang buksan ng pamahalaang lokal ang AiTECH sa mga scholars ng Antipolo. Ito ang kauna-unahang kolehiyo sa Pilipinas at sa buong Asya na nag-o-offer ng kursong Bachelor of Science in Construction Engineering (BSConE). Sa maikling panahon lamang ay napili ng Commission on Higher Education (CHED) ang AiTECH na mapabilang sa Association of Local Colleges and Universities (ALCU) habang pangalawa ito sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na-recognize na kabilang sa Higher Education Institutions (HEI) sa buong bansa.