CGA PWUDSNabigyan ng pagkakataong magbagong-buhay ang 68 na PWUDs (Persons-Who-Used-Drugs) sa tulong na ipinaabot ng Antipolo City Government katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Livelihood Assistance Program “Uling Mula sa Basura.” Tumanggap ng briquette machine ang mga PWUDs sa Monday Flag Raising Ceremony ng pamahalaang lungsod noong July 8, 2019.  Ang mga nasabing PWUDs ay kabilang sa 1st batch graduates ng Community Based Rehabilitation Program (CBRP) ng Barangay San Isidro.

“Hindi po natatapos ang ating pagtulong sa ating mga kababayan na nalululong sa droga sa ating mga rehabilitation programs. Pagkatapos po nilang maging drug-free ay muli naman nating itinataguyod ang kanilang estado o reputasyon sa lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng marangal na trabaho na magbibigay sa kanilang ng maayos na kabuhayan at maghuhubog sa kanila na maging responsableng mamamayan,” sabi ni Mayor Andeng Ynares.

Pinangasiwaan ng Public Employment Service Office ang pagbabahagi ng briquette machine na magagamit ng mga PWUDs sa paggawa ng uling mula sa mga basura na maaari nilang ibenta.  Bahagi lamang ito ng mga aftercare services na ibinibigay ng pamahalaang lokal sa mga drug addict na nagbagong buhay na.  Binibigyan din sila ng oportunidad na makapag-aral muli sa pamamagitan ng NagBalik-Aral (NBA) Program at magkaroon ng hanapbuhay sa tulong ng PESO job hiring at mga livelihood programs. Sa kasalukuyan, 10 barangay na sa Antipolo City ang declared na drug-free ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region IV-A .