ALL-OUT ang Antipolo City Government sa pagkillala sa tatlong senior citizens na umabot ang edad sa 100 taong gulang. Happy ang birthday ng naturang mga centenarians sapagkat tumanggap sila ng may kabuuang P300,000 cash incentive mula sa pamahalaang lungsod at Department of Social Welfare and Development (DSWD) IV-A.

“Belated happy birthday at congratulations po sa mga bagong centenarians natin. Napakapalad po ninyo na mabiyayaan ng mahabang buhay at natatanging lakas ng loob para harapin ang mga pagsubok ng buhay. Ang pagkilala po namin sa inyo at sa mga senior citizens ay higit pa sa tungkulin dahil ito po ay nais naming gawin ng bukal sa loob at buong puso. Inspirasyon po sa aming lahat ang inyong tibay at pagmamahal sa ating lungsod,” pahayag ni Mayor Jun Ynares.

Kinilala ang 3 centenarians na sina Juan Jacob ng Brgy. Mambugan; Romana Cinco ng Brgy. San Luis; at Purificacion Asejo ng Brgy. Mayamot.

Sa ilalim ng R.A. 9994 na pinatibay ng kasunduan sa pagitan ng pamahalaang lokal at pribadong sektor, makakatanggap ng libreng birthday cake ang bawat senior citizens sa Antipolo gayundin ng movie pass para libre silang makapanood sa mga sinehan sa lungsod.

Habang makakatanggap naman ng P100,000 ang sinumang Pilipinong sasapit sa edad na isang daan taong gulang bilang pagtalima sa itinakda ng R.A. 10868 o Centenarian Act of 2016.