MaytimeFestival5

Muli na namang dinagsa ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo ang taunang pagdiriwang ng Maytime Festival sa lungsod ng Antipolo. Opisyal nang binuksan ng pamahalaang lokal ang isang buwang pagdiriwang ng Tayo na sa Antipolo Maytime Festival 2019 ng magarbo at makulay na street dancing at float parade noong May 1, 2019. Kasabay din nito ang opisyal na pagbubukas ng Antipolo Cathedral ng Maytime Pilgrimage Season sa pamamagitan ng taunang Alay-Lakad o Walk for Peace na magmumula sa Quiapo Church patungo sa katedral. Ginaganap naman ito tuwing gabi ng April 30 at magtatapos sa isang misa ng pasasalamat kinaumagahan.

“Nagpapasalamat po kami sa mga walang sawang tumulong at nakibahagi sa aming selebrasyon ng Maytime Festival na taun-taon ay dinadagsa tuwing buwan ng Mayo. Dahil po sa inyo ay napapanatili at napepreserba po namin ang mayamang tradisyon na ito ng mga Antipolenyo na naglalarawan ng aming mayamang kultura at pananampalataya sa ating Maykapal,” sabi ni City Mayor Jun Ynares.

Bukod sa mga suman at kasoy, mae-enjoy din ng mga deboto, turista at mga mamamayan ang mga inihandang programa ng pamahalaang lokal pagkatapos nilang magsimba.

Sinimulan ito ng isang Street Dance Competition sa Ynares Center kung saan humigit-kumulang na 1,000 dancers ang nakiisa mula sa iba’t ibang paaralan at ng YES Inter-Barangay Booth Competition noong May 1. Rarampa ang mga magigiting at makikisig na mga Antipolenyo sa Ginoong Antipolo sa May 11. Magpapasiklaban sa talento ang mga kabataan sa Antipolo Idol – Sing & Dance sa mga elimination rounds at sa grand finals na gaganapin sa June 21. Cultural Presentation, Dog Show at Pride March ang bibida sa May 18. Kung gusto mong masaksihan ang mga nagagandahang dilag ng Antipolo, tayo na sa Grand Sagala sa May 19 at Flores De Mayo/ Santacruzan sa May 31. Para sa mga music lovers, Musiclaban ang para sa iyo na gaganapin sa May 26. Nakapila rin sa programa ang Suman Art, Maytime Trade Fair, Ynares Table Tennis Super League, Concierto de Mayo, Prusisyon ng mga Replika,  at iba pa para sa buong buwan ng Mayo.

Welcome po ang lahat na makasama sa kasiyahan, sa pagbisita sa Mahal na Birhen ng Antipolo at sa pagdiriwang ng taunang Tayo na sa Antipolo Maytime Festival 2019!