PINARANGALAN ng Antipolo City Government, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang 64 estudyante at 63 guro sa mga pampublikong paaralan ngayong taon bilang bahagi ng taunang “Natatanging Mag-aaral Award” at “Numero Unong Guro” na ginaganap tuwing graduation season. Mahigit P 3-M ang kabuuang scholarship grant at insentibo na ibinigay sa mga nagsipagtapos na mag-aaral sa elementarya at senior high school gayundin sa mga napiling huwarang guro.

“Higit pa po sa pagkilala ang layunin natin dahil hangad po ng pamahalaang lungsod na matulungang makapag-aral ang mga estudyante at gurong nagpakita ng katatagan at kasipagan para labanan ang kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon. Nawa’y manatiling inspirasyon ang kanilang mga kuwento para sa ating lahat at maging daan ito para mapagtagumpayan natin ang lahat ng pagsubok na maaaring dumating,” pahayag ni Mayor Ynares.

Nasa P60,000 ang halaga ng scholarship grant na natanggap ng piling mag-aaral mula sa elementarya at P80,000 hanggang P160,000 ang nakuha ng mga piling graduates sa senior high school na maaari nilang gamitin sa pag-aaral sa kolehiyo. Samantala, P80,000 grant naman ang ipinagkaloob sa mga napiling guro na maaari nilang gamitin sa pagkuha ng Master’s degree. Maliban dito, handog din ng pamahalaang lungsod sa mga benepisyaryo ang plake ng pagkilala, sertipiko, laptop, at cash incentive sa mga top students.

Sa kabuuan, humigit kumulang 2,000 benepisyaryo na ang natutulungan ng lokal na pamahalaan simula nang ito ay inilunsad noong 2014 lamang.