OplanSemanaSantaREADY for action na ang Antipolo City Government sa isang ligtas at maka-Kalikasang paggunita ng Semana Santa ngayong taon sa tulong ng Mapayapa, Mataimtim at Malinis (3M) Campaign bilang tugon sa muling pagdagsa ng milyong-milyong deboto at turista sa lungsod na tinaguriang Pilgrimage Capital ng bansa.

“Dahil ang Antipolo ay pangunahing destinasyon ng mga mananampalataya at turista tuwing Kuwaresma, malaking hamon po talaga ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa ating lungsod. Kaya naman patuloy po ang aming panawagan sa ating mga kababayan na papanhik na maging responsable lalo na sa kanilang mga kalat,” pahayag ni Antipolo City Mayor Jun Ynares.

Nagbuo ang pamahalaang lungsod ng incident management team na syang mangunguna at mangangasiwa sa Huwebes at Biyernes Santo. Ang team ay binubuo ng iba’t ibang mga kinatawan mula sa Pamahalaang lokal at nasyonal, pribadong sektor, simbahan, Philippine Red Cross, volunteer groups at mga barangay. Kasama sa kanilang tungkulin ang pagpapanatili ng kaligtasan ng mga publiko at mga responders, pag-aayos ng daloy ng trapiko at pagbibigay ng emergency medical services.

Magkakaroon ng 12 Public Assistance Centers na maaaring lapitan at hingan ng tulong ng mga kababayan na sasama sa Alay Lakad.

Magtutulong-tulong ang pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army sa pinaigting na seguridad sa buong lungsod. Bilang bahagi ng security measures ay pinapayuhan ang mga bisita na huwag ng magdala ng mga backpack, mga matutulis na bagay gaya ng kutsilyo at mga nakakalasing na inumin o alak.

Sa mga motorista naman, magpapatupad ng synchronized road closure at re-routing scheme ang Antipolo, Cainta at Taytay simula 8:00 ng gabi partikular sa Ortigas Avenue Extension. Samantala, halos 30 bus units naman ang papatakbuhin ng Marikina Bus Lines at G Liner sa mga strategic locations para magsakay ng mga deboto papunta at paalis ng lungsod.

Para sa iba pang anunsyo at updates, maaaring makipag-ugnayan sa official Facebook page Antipolo City Gov at sa emergency hotline number (02)689-4576 / 0927-7559-911.

Oplan Seman Santa 2019 Traffic Re-routing Plan