WAGI ang Antipolo City Institute of Technology (AiTECH) sa pagkilalang iginawad sa kanila ng Commission on Higher Education (CHED) sa pagiging isa sa mga unang 50 Higher Education Institutions (HEI) sa Calabarzon na kumpletong nakapagpasa ng higher education data. Naganap ang awarding ceremony sa 6th Registrars Forum of Association of College and University Registrars and Liaison Officers (ACURLO) CALABARZON sa Biñan, Laguna noong Pebrero 7, 2019. Sa kabuuan, mayroong 312 na mga HEI sa CALABARZON.

“Isang karangalan po ito sa ating lungsod dahil nangangahulugan lamang po na tayo ay masugid na sumusunod sa mga patakaran at panuntunan ng CHED upang masigurong patuloy po ang pagbibigay natin ng dekalidad at abot-kayang edukasyon sa ating mga scholars,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

Ang AiTECH ang nag-iisang city college sa buong bansa nagbibigay ng kursong Bachelor of Science in Construction Engineering (BSConE).  Marami na ring naisagawang tie-up ang AiTECH sa mga public at private institution na nagbibigay daan para mas lalong i-angat ang kalidad ng edukasyon. Katulad na lamang ng pagpapasinaya kamakailan ng AiTECH Innovation Design Engineering and Art Fabrication Laboratory (IDEA FabLab) sa pagtutulungan ng Department of Trade and Industry (DTI). Ito ang kauna-unahan at nag-iisang FabLab sa buong bansa na pagmamay-ari at pinamamahalaan ng isang LGU.