PINAGHAHANDAAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang OPLAN Semana Santa para sa darating na Abril. Nagsagawa ang pamahalaang lokal ng coordination meeting noong Marso 15, 2019 sa Ynares Center Complex na pinangunahan ng Office of Public Safety and Security (OPSS). Tinatayang 4 hanggang 5 milyong mga deboto at turista ang nakikiisa taun-taon sa Alay-Lakad sa Antipolo na ginagawa tuwing gabi ng Huwebes Santo.

“Nais po natin masiguro ang kaligtasan at seguridad ‘di lamang ng mga Antipolenyo kundi pati na rin ng mga deboto at namamanata na bibisita sa ating Lungsod sa panahon ng Kwaresma. Alam po natin na taun-taon ay milyung-milyong deboto ang pumupunta sa Antipolo upang makiisa sa pagdiriwang natin nito kung kaya’t nanawagan din po kami na mapanatili po natin ang kalinisan ng ating lungsod dahil ang pagmamahal sa kalinisan at kalikasan ay pagpapakita rin ng pagmamahal sa Diyos,” sabi ni Mayor Ynares.

Tinalakay sa coordination meeting ang mga karagdagang safety measures katulad na lamang ng paglalagay na mas maraming Public and Medical Assistance Booth at pagsisiguro na walang punding ilaw ang mga poste ng mga kalyeng dadaanan ng Alay Lakad. Target ng pamahalaang lokal na mapanatili ang malinis at mapayapang Alay Lakad  kada taon kung kaya’t magdadagdag din ng police visibility. Magbibigay din ng mga abiso ang OPSS sa magiging traffic scheme para mapaghandaan ito ng mga motorista.