Veterans2ISANG pagkilala at pag-alala sa katapangan ng mga Antipolenyong nakipaglaban para sa kalayaan noong World War II ang pagdiriwang ng pamahalaang lokal sa ika-74 na Anibersaryo ng Liberation Day ng Antipolo noong Marso 12, 2019. Nagkaroon ng pag-aalay ng bulaklak sa harap ng Liberation Marker sa parking ground ng Antipolo City Hall na sinundan ng band concert sa Victory Mall para bigyang aliw ng mga sinaunang tugtugin ang mga beterano.

“Katulad ng paggunita ng Liberation Day taun-taon, lagi nating alalahanin at isapuso ang sakripisyo at serbisyong inalay ng mga beterano para sa atin. Huwag nating hahayaan na mabaon lamang sa limot ang kanilang katapangan na naging sanhi ng ating paglaya,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

Sa pangunguna ng City Tourism Office, nagtipon-tipon ang 31 beterano ng Veterans Federation of the Philippines, na pinangungunahan ni Vice Commander Elena Juanson, upang saksihan ang programa. Nakiisa rin sina Councilor Paui Tapales at City Administrator Atty. Henry Rosantina na parehong naghandog ng espesyal na mensahe para sa mga beteranong matapang na nag-alay ng kanilang buhay at serbisyo para sa bansa noong panahon ng giyera.