EXCELLENT performance rating ang natanggap ng Antipolo City Government mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) bilang partner LGU sa implementasyon ng Manila Bay Clean-Up, Rehabilitation, and Preservation Program (MBCRPP).

High Compliance na may gradong 92.31% ang nakamit ng pamahalaang lokal sa pagpapatupad ng mga programang tutulong sa pagsasaayos ng Manila Bay tulad ng Linis-Creek Program at Materials Recovery Facilities (MRFs).

“Ang high compliance rating po ng Antipolo City ay patunay na matagumpay ang ipinatutupad na komprehensibong programa ng pamahalaang lokal para tugunan ang mga environmental challenges sa ating bansa. Ang pagkilala rin pong ito ay isang paalala sa ating lahat na hindi nagtatapos sa success story ng Manila Bay Rehabilitation ang laban para sa ating kalikasan.  May parangal man o wala, ang pamahalaang lungsod po ay patuloy sa hangarin nitong hindi lang ibalik ang dating ganda ng kalikasan kundi mas payabungin pa ito para mapakinabangan ng susunod pang henerasyon,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

Halos 100% ang nakuha ng Antipolo sa mga parameter ng MBCRPP kung saan kabilang sa mga kategorya ang Liquid Waste Management, Informal Settler Families, Solid Waste Management, Institutional Arrangements, at Information, Education, and Communication (IEC) Campaign.

Kinilala ang Antipolo LGU bilang Hall of Fame Awardee noong 2018 dahil sa mga sustainable at environmentally-centered program na ipinatutupad sa lungsod. Kasama rin sa mga prestihiyosong parangal na nakamit ng Antipolo City ang Environmental Compliance Audit (ECA) Platinum Award, Manila Bayani Award, at Top Performer Award na iginawad ng DILG.