CityVet RabiesFreeTarget ng Antipolo City Government na mabakunahan ang 40,000 na aso ngayong taon kaakibat ang layuning maging rabies-free ang Antipolo pagdating ng 2020.  Sinimulan na ng City Veterinary Office ang taun-taong pagbibigay ng libreng bakuna sa mga alagang hayop sa 16 barangay kaugnay na rin sa pagdiriwang ng Anti-Rabies Awareness Month. Umikot ang mga kawani ng City Vet sa Mayamot, Muntindilaw, San Jose at San Roque upang magbigay ng anti-rabies vaccination sa mga aso’t pusa noong buwan ng Pebrero.

 “Ang programang ito ay naglalayong mabawasan ang bilang ng mga posibleng mabiktima ng kagat ng aso at pusa. Ipinapaabot din nito sa mga pet owners na manatiling responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga hayop,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

Tumataas kada taon ang bilang ng mga asong nababakunahan base sa datos ng City Vet. Nakapagtala na ng 211,614 na mga pet ang nabigyan ng anti-rabies vaccination simula 2013 hanggang sa kasalukuyan. Sinasabay na rin ng pamahalaang lokal sa pagbabakuna ang pagpaparehistro ng mga alagang hayop.

Importante na mabakunahan ang mga alagang hayop upang mabawasan ang kaso ng animal bites alinsunod na rin sa Anti-Rabies Act na mahigpit na ipinatutupad sa lungsod ng Antipolo.