ManilaBayanihanNAKIBAHAGI ang lokal na pamahalaan ng Antipolo sa sabayang clean-up drive ng mga sapa, estero, at ilog na patungo sa Manila Bay noong Enero 27, 2019 bilang suporta sa National Launching of Manila Rehabilitation ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pangunguna ni Secretary Roy A. Cimatu. Tinatayang nasa 350 na tao ang dumalo sa programang ito. Nagtipon-tipon ang mga volunteers sa Southville 9, Boso-boso River, Brgy. San Jose at Pinugay, Antipolo-Baras, Rizal.

 

Ayon kay Mayor Jun Ynares, suportado ng Antipolo City ang layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng administrasyong Duterte na isailalim sa matinding rehabilitasyon ang Manila Bay kasunod ng matagumpay na pagsasa-ayos ng Boracay. Naniniwala rin si Mayor Ynares na bago natin linisin ang Manila Bay, dapat din pagtuunan ng pansin ang mga ilog, estero at mga daluyan ng tubig na konektado dito. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng paglilinis ng mga ito ay nakakapag-ambag tayo sa layuning buhayin muli ang ganda ng Manila Bay.

Sabay-sabay na nagpulot ng basura at nagtanggal ng burak ang mga kawani mula sa City Environment and Waste Management Office (CEWMO), Barangay San Jose, Munisipalidad ng Baras, Provincial Environment and Natural Resources (PENRO), DENR-Mines and Geo-sciences Bureau 4A (MGB), at ng Eastern Rizal Miners Association (ERMA).

Samantala, kinilala naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lungsod ng Antipolo bilang Hall of Famer ng Manila Bayani Award noong 2018 dahil sa walang tigil nitong pagpapatupad ng mga pangkalikasang programa katulad ng Linis-Creek Program sa 16 na barangay sa lungsod.