PINAGTIBAY ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang City Veterinary Office (CVO), ang kampanyang kontra rabis sa pagsasagawa muli ng “Massive Anti-Rabies Vaccination” sa Brgy. Calawis, Brgy. Inarawan, at Brgy. Dalig. Sa ilalim ng programa para sa buong buwan ng Hunyo 2017, umabot sa 2,687 na hayop ang nabigyan ng libreng bakuna kontra rabis. Kaakibat ng aktibidad ang veterinary medical mission sa mga livestock animal ng lungsod.

Ayon kay Mayor Ynares, ang sakit na rabis ang isa sa mga kasamang peligro ng pag-aalaga ng mga hayop. Aniya, ang karamdamang ito ay kalimitang nakukuha mula sa kagat ng mga aso at kadalasang mga bata ang biktima. Ibinahagi pa niya na responsibilidad ng mga may-ari na pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop. Tuloy-tuloy din ang pagsasagawa ng libreng bakuna sa mga hayop upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit sa iba pang hayop at sa mga tao.

Ang rabis ang isa sa mga pangunahing sakit na nakukuha ng tao sa mga hayop na nakamamatay kapag hindi kaagad nabigyang lunas. Sa pinaigting na laban kontra rabis ng pamahalaang lokal, naitala ng CVO mula Enero hanggang Hunyo 2017, matagumpay na nabakunahan ang 38,783 na hayop sa lungsod.

Kasabay ng adbokasiyang abutin ang lahat ng sektor ng lungsod, gagawin ang naturang programa sa lahat ng barangay sa Antipolo. Kasalukayan, naisagawa na ang “Massive Anti-Rabies Vaccination” sa 15 na barangay (Beverly Hills, Mayamot, Muntindilaw, Mambugan, San Isidro, Sta Cruz, San Luis, Dela Paz, Cupang Dalig, San Jose, Inarawan, Calawis, San Juan, at San Roque). Nakatakda namang gawin ang programa sa Brgy. Bagong Nayon ngayong buwan ng Hulyo.

Maliban sa bakuna, nagbahagi din sa programa ng iba pang serbisyo gaya ng pamimigay ng mga bitamina, medisina, at de-worming sa mga residenteng may mga alagang baka, kalabaw, tupa, manok, at iba pa.