BAGONG Materials Recovery Facility (MRF) at Gulayan sa Paaralan ang nagbukas sa lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, noong Hunyo 28, 2017 sa Mayamot Elementary School (MES) kasunod ng mas pinaigting na adbokasiya ng pamahalaang lokal na solusyunan ang suliranin sa basura at polusyon. Umabot na rin sa 36 na paaralan sa lungsod ang nagtatayo ng MRF bilang suporta sa YES Program ng Rizal Provincial Government.

“Isa pong tagumpay para sa ating lahat ang pagbubukas ng ika-36 na MRF sa lungsod.  Ako po ay nagpapasalamat sa bawat mamamayan at kawani para sa inyong pagtangkilik sa mga programa ng pamahalaang lokal na sumusuporta sa paglilinis at pangangalaga ng ating kalikasan,” pahayag ni Mayor Ynares.

Dumalo at nakiisa sa naturang programa sina Antipolo Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan, Kon. Robert Altamirano, Kon. Philip Pimentel, PB. Pablo Oldan, at CEWM-Officer Daisy Lumio kung saan nagbahagi sila ng makabuluhang talumpati tungkol sa kahalagahan ng pagtatanim ng mga halaman at masamang epekto ng maling pagtatapon ng mga basura.

MRFJuly2017

Katuwang din ang City Environment and Waste Management Office (CEWMO), Department of Education (DepEd), at Youth for Environment in Schools - Organization (YES-O), ang Mayamot Elementray School ang ika-36 na paaralan na naglunsad ng MRF.

UrbanGardeningJuly2017

 

Hindi lamang basura ang naging tampok sa okasyon dahil kasabay ding inilunsad ng MES ang kanilang “Urban Garden” o Gulayan sa Paaralan Program kung saan mapapakinabangan at hindi masasayang ang mga bakanteng espasyo ng paaralan dahil tataniman ito ng samu’t saring gulay.

MRFJuly2017 2

 

Sa mas pinalakas na kampanya ng pamahalaang lokal laban sa basura, inihahanda na ng San Luis Elementary School ang pagbubukas ng kanilang Materials Recovery Facility sa Hulyo 6, 2017.