SAMA-SAMANG nag-duck, cover and hold muli ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa isinagawang 2nd Quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) noong Huwebes, Hunyo 29, 2017. Sa pangunguna ng City Disaster Risk-Reduction and Management Office (CDRRMO) at sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fire Prevention (BFP), matagumpay na naisagawa ng mga lumahok ang naturang shake drill patungo sa Sumulong Park na siyang itinakdang evacuation area.

“Patuloy ang pakikibahagi ng pamahalaang lokal sa earthquake drill upang maipakita at maiparating sa bawat isa ang sapat na paghahanda at kaalaman bago pa man dumating ang kalamidad at sakuna. Sa pamamagitan nito, ang buong lungsod ng Antipolo at ang lahat ng mamamayan ay handa para sa lindol,” sabi ni Mayor Ynares,   

2ndQtrEarthquakeDrill3

Hudyat ang isang minutong pagtunog ng alarma bilang simula ng drill kung saan maayos na lumikas ang mga kawani ng pamahalaang lokal gamit ang cover technique. Kabilang din sa drill ang pagpapakita kung paano sagipin at bigyan ng tamang first aid at kalinga ang mga nasugatan sa lindol.

Nakibahagi din sa nasabing drill ang Our Lady of Peace School, Antipolo Cathedral, Victory Park Mall, at iba pang establisyimento na nakapalibot sa plaza.

2ndQtrEarthquakeDrill2

Bukod dito, nagkaroon din ng aktwal na pagtuturo sa mga nagboluntaryo ng wastong paggamit ng fire extinguisher para masugpo ang apoy at mga power tools na ginagamit sa oras ng sakuna upang makapagligtas ng buhay.

2ndQtrEarthquakeDrill1

Layunin ng NSED ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na isulong ang kaligtasan ng bawat isa at maituro sa lahat ang kahandaan at wastong mga hakbang at proseso kung sakaling magkaroon ng lindol at iba pang sakuna na konektado dito. Kada tatlong buwan isinasagawa ng lungsod ang naturang drill upang mapalakas ang ugnayan ng iba’t ibang sector ng komunidad at pamahalaan.