Pasay City – Dumadagundong na “YES!” ang naging tugon kay Senate Secretary Lutgardo B. Barbo sa pagtatapos ng employees forum na dinaluhan ng mga opisyales at kawani ng Senado kung pabor ang mga ito sa paglipat ng Senado sa Antipolo.

Personal na dumalo si Antipolo City Mayor Jun Ynares upang ilahad sa mga kawani ng Senado ang panukalang paglilipat ng Senate building sa Antipolo. Inalok ni Ynares ang Senado ng 25 ektaryang lupaing pagmamay-ari mismo ng pamahalaang lungsod ng Antipolo upang gawing bagong tahanan ng Senado.

Kung sakaling pipiliin ng Senado na lumipat sa Antipolo, makakatipid ang Mataas na Kapulungan ng mahigit kumulang na 4.148 bilyon piso.

Hindi na nito kailangang magbayad ng taunang renta na 110 milyon piso at hindi na kailangang bumili pa 1.4 ektarya lupain na nagkakahalaga ng 1.44 bilyong piso mula sa Bases Conversion Development Authority (BCDA) sa Navy Village-Fort Bonifacio.

Dahil libre at mas malawak ang lupain, mas mababa ang building construction cost at mas makakatipid pa ang Senado ng tinatayang 2.7 bilyon piso.

Ang 25 ektaryang lupain ay matatagpuan sa geographical center ng Antipolo kung saan “ligtas sa mga sakuna” dahil walang nakabantang panganib ng pagbaha (flood-free) at paglindol hindi kagaya sa Taguig na kasama sa mga lugar na dinadaan ng West Valley Fault System.

Hindi rin magiging problema ang pagpunta sa proposed site dahil bukod sa pagiging “contra-traffic”, ito ay mas magiging accessible lalo na sa halos kasabay na pagtatapos ng mga malalaking infrastructure projects kagaya ng LRT 2 Line Extension hanggang COGEO, C6 Road mula Bicutan hanggang Batasan at Rizal Eastlake Development (RED) Project.

Mas mapapadali rin ang pakikipag-ugnayan ng mga kawani dahil mas malapit din ito sa Quezon City kung saan kasalukuyang nakatayo ang Batasang Pambansa (Mababang Kapulungan) at iba’t ibang ahensya ng pamahalaang nasyonal.

Sa laki at lawak ng lupain ay malayang makakapagtayo ang Senado at mga kawani ng mga pasilidad na kanilang kakailangan kagaya ng pabahay, parks, sports center, convention center, atbp.

Malaki rin ang matitipid ng mga empleyado dahil hamak na mas mababa ang cost of living sa Antipolo kumpara sa Taguig na mahal ang bayad sa tubig at renta sa apartments.