NAGBUKAS na ang pinakahihintay na Sports Hub sa lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang opisina ni Cong. Cristina “Chiqui” Roa-Puno, sa ginawang blessing at inauguration noong Marso 29, 2017 sa Barangay San Isidro. Isa ito sa mga hakbang ng pamahalaang lokal upang maiiwas ang mga kabataan ng lungsod sa droga at iba pang masamang bisyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng lugar para kanilang gamitin sa paglalaro ng basketball, volleyball, badminton at iba pa.

“Ikinagagalak po natin na mayroon ng sports hub sa lungsod sa tulong ni Congressman Puno na nakikiisa sa ating adbokasiya na palawakin ang sports program sa Antipolo City nang sa gayon ay mabigyan ng maayos na recreational facilities ang mga kabataan at mailayo sila sa droga at iba pang masasamang bisyo,” sabi ni Mayor Ynares.

Ipinaabot naman ni Cong. Roa-Puno ang kaniyang pasasalamat kay Mayor Ynares sa patuloy nitong pagsuporta sa kanilang mga programa. Ipinaabot din niya ang mensahe para sa kabataan sa Antipolo, partikular ang mga out-of-school youth na kung walang magawa sa buhay, huwag mag-droga, sa sports hub tumambay.

Tinatayang umabot sa P51.5 milyon ang pagpapatayo ng sports hub na may rings, electronic scoreboards, at mga upuan para sa mga manunuod sa malaking court kung saan gaganapin ang mga palaro at iba pang pagtitipon o aktibidad.

Dumalo din sa nasabing pagbubukas si Cong. Jericho Nograles na representante ng Pwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist na nagbigay ng donasyon para sa pagpapatayo ng sports hub.

Asahan naman ang ilan pang programa ng pamahalaang lokal upang masiguradong ang kabataan ay mananatiling hindi lang aktibo at iwas sa droga, kundi ang pag-asa pa din ng bayan.