TUMANGGAP ng cash assistance na nagkakahalaga ng P 460,000 ang mga street children at kanilang pamilya na miyembro ng Antipoleño Pamilyang Pilipino Sustainable Livelihood Program Association mula sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DWSD), noong Hunyo 19, 2017 sa ginanap na Flag Raising Ceremony sa Sumulong Park.

Ayon kay Mayor Ynares, “Malaking tulong po ang pagbibigay natin ng pinansyal na suporta upang kahit papaano po ay makapagsimula sila ng negosyo na maaari nilang pagkunan ng panggastos sa pangangailangan. Ang atin pong pamahalaang lokal ay patuloy na magsasagagawa ng mga programa kung saan higit pong magbebenepisyo ang mga nangangailangan.”

StreetChildrenAssistance1

Bahagi ito ng Comprehensive Program for Street Children and Street Families At-Risk on the Streets ng DSWD na may layuning  mailayo sa lansangan ang mga bata sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aktibidad na huhubog sa kanilang pisikal, pag-iisip at pag-uugali, emosyonal at moral na aspeto gayundin ang pagbibigay ng oportunidad sa kanilang mga magulang upang kumita.

StreetChildrenAssistance2

Upang bigyan ng kaalaman sa pagnenegosyo, sumailalim din sa 3-day Training sa Micro-Enterprise Management ang 46 na mga magulang na miyembro ng naturang asosasyon.

Samantala, aktibo rin ang City Social Welfare and Development Office sa pagsasagawa ng Oplan Lingap Kabataan sa Lansangan kung saan umabot na sa halos 1,437 ang mga nasagip ng naturang operasyon mula 2015 hanggang sa kasalukuyang taon.