Mainit na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares, sina Mayor David Navarro at ang mga kasamahan nito sa munisipalidad ng Clarin, Misamis Occidental sa naganap na lakbay-aral hinggil sa “Enhancement of Suman Production” noong Mayo 16, 2017. Ito ay may kaugnayan sa Bottom-Up Budgeting (BUB) Project ng nasabing munisipalidad sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).

LGU Clarin1

“Isa pong karangalan para sa amin na mapili ang lungsod ng Antipolo na maging tampok sa proyekto ng munisipalidad ng Clarin. Nawa’y makatulong po sa kanila ang aming tradisyon sa paggawa ng suman at ang mga inobasyong ginawa namin dito. Akmang-akma po ang kanilang pagbisita dahil sa kasalukuyan po ay ating ipinagdiriwang ang ating Maytime Festival na nagpapakita sa makulay na tradisyon ng mga Antipoleño. Taon-taon po ay dinadayo tayo ng mga tao para tikman ang ating mangga, kasoy, at lalong-lalo na po ang suman dito sa Antipolo,” sabi ni Mayor Ynares.

LGU Clarin3

Pagkatapos bisitahin ang isa sa mga kilalang suman producers sa Antipolo ay napamangha ang mga taga-Clarin sa “Kampil,” ang tawag sa dahon ng puno ng niyog,  na kadalasang ginagamit ng mga taga-Antipolo na pambalot sa suman.   Nabanggit ni Mayor Navarro na maraming kampil sa kanilang lugar ngunit hindi nila akalain na maaari rin pa lang gamitin na pambalot ito ng suman dahil dahon ng saging ang kanilang madalas gamitin.

LGU Clarin2

 

Nagkaroon din ng pagkakataon na pasyalan ng mga delegado ang Hinulugang Taktak at bisitahin ang Mahal na Birhen ng Antipolo sa Antipolo Cathedral.